WE THE INTERWOVEN

Table of Contents

 


ORD SA CID

MELISSA PALMA

Translated by Marissa Bender

 
 

UNA KONG NAKITA ANG batang lalaki noong ako ay papunta sa pasukan ng seguridad ng TSA. Pinupunasan ng isang munting kamay ang mapulang marka ng labi ng kanyang ina sa kanyang pisngi, ang kanyang kulay katulad ng umiindayog na mga Chocolate Hills sa kanyang bayang pinagmulan. Ang galing naman! Maaring siya ay isang batang Pilipinong may lima o anim na taong-gulang. Ang kanyang mukha’y nakatingin sa akin na taglay ang dugong Bisaya, na palagay ko’y nananalaytay sa kanyang mga ugat. May hawak na tablet na kulay papayang kahel, na may-kutsong matigas na takip upang pangalagaan laban sa kalikutan ng bata, siya ay pinalamutian ng isang mala-pinguinong maletin na nakabalot sa katawan at ng isang nakabibighaning ngiti.

Hinintay niya ang kanyang kapatid na babae habang papalapit sila sa mesa, isang ahenteng pangseguridad pababa sa kanila mula sa kanyang tila-kinaskas na torreng bakal. Ako ay napatingin sa maliit na batang babae, siya ay waring kasing-edad ng kanyang kapatid na lalaki at may bitbit na hubog-bubuyog na bayong na mas malayong malaki kaysa sa kanya. Ang kanyang mahabang itim na buhok ay maingat na nakatirintas sa tuktok ng kanyang ulo at lumagaslas sa kanyang likod. May suot na kulay onyx na chaketang makapal na Michael Kors at mala-kutson na botas na Ugg, siya ay taimtim na nakapokus sa kanyang kulay-manggang pansariling tablet na kanyang kinargang parang isang manika.

Sa aking pagkamangha, nakita ko ang kanilang inang may mala-buhanging buhok na sumusunod na may kulay-rosas na highlights sa buhok at burdadong bulaklak na botas pangkabayo na lampas-tuhod. Wari siyang isang tao na, noong kapanahuhan ng kanyang pagkokolehiyo, ay nag-aral tungkol sa Kasarian, Kababaihan, at mga tema ng Sekswalidad. Ngayon, habang binubuo ang kanyang kapalaran bilang isang makapangyarihang babae ng Laban, ang kanyang mga umaga ay ginugugol sa pagprito ng mga itlog ng malayang manok na plastado ang pula para sa kanyang mga anak habang walang pagkabahalang nagrere-tweet ng mga bell hooks at Roxane Gay.

Inakay sila ng kanyang asawa pasulong sa linya upang lapitan ang checkpoint ng seguridad. Kung hindi sa Bluetooth Jawbone na headset na nakatago sa kanyang tainga at ang pakete ng Chiclet na nakasukbit sa kanyang bulsa sa dibdib, siya ay matatawag na naglalakad-na-patalastas ng L.L Bean. Ang ama, na nakasuot ng matibay na kulay persimmon na pulang pranela at maayos na balbas, ay may sadyang hitsura na malinaw na nagsasabing, “Alam ko kung paano magsindi ng apoy sa kampingan sa ulan.”

Hindi ko maunawaan ng buo sa aking kaisipan ang kasaysayan ng makulay na pamilyang ito, na nag-iwan sa aking di-mapalagay sa paghahanap ng mga sagot. Habang nagpapamahagi ang flight attendant ng mga ginintuang laruang pakpak ng piloto sa mga batang musmos, naghanap ako ng mga palatandaan ng pagkabaog. Ang ina ay mukhang malusog at ang mukha ay nabahiran ng pampatago ng taghiyawat, maaari kayang may sakit na polycystic ovarian syndrome? Ang makapal na buhok ng ama sa mukha ay nag-alis sa pagpapalagay na baka may hypogonadism sa kanyang bahagi. Ang mga magulang ay waring bata, subalit parang may maraming mga pagkukunang yaman para sa pag-ampon. Tunay kaya siyang nasa edad na maaaring maging ina?

Napakarami kong impertinenteng mga tanong. Gaano kaya karaming IVF ang kanilang nagasta bago nila napagpasiyahang mag-ampon ng bata sa ibayong dagat? O pinili ba nila ang pag-ampon dahil sa diwang etikal ng pagsanggalang sa mga pangkapaligirang yaman? Sila ba ang uri ng mga magulang na bumili ng bahay sa distrito ng paaralan ng West Liberty para ipatala ang kanilang mga anak sa paaralang bilingguwe? Kung kausapin ko ba sila sa kanilang sariling wika, sasagutin kaya nila ako sa Ingles o Tagalog? O sasagutin lamang ba ako ng mga nalilitong blangkong titig?

Ang pamilyang halo-halo na ito, nais isauri ng aking utak-Precambrian sa mga kahon at kubo na kung alin ay halos wala akong paghahambingan. Hindi katulad ng aking mga kaibigang galing sa mga bahaging mas probinsya ng Iowa kung saan ang pandaigdigang mga batang ampon ay karaniwan, ako ay lumaking nailihis sa kaisipang ang mga batang Asyano ay ukol sa mga pamilyang Asyano. Kahit sa mga magkahalong tahanan, kung ang lalaking magulang ay isang Amerikanong GI Joe habang ang babaeng magulang ay isang nars, ang kanilang mga anak na hapa ay laging nakaangkla sa pagkain, sa pamilya, sa mga Pilipino.

Napansin ko uli sila pagpasok sa eroplano. Bumaling paharap hangga’t kaya, na di nagpapatawag-pansin, masusi kong pinagmasdan habang ang mga magulang at anak ay umupong pandalawahan sa magkahiwalay na hanay, ang nakakapanggigil na mga bata’y nakaupo sa harapan, bawat isa nakatutok sa kanya-kanyang sariling kandong na mala-salaming itim na gamit-panlibangan. Pinigil ko ang pagbungisngis habang ang kanilang mga gamit-panlibangan ay malakas na nagpatugtog ng mga temang kanta ng cartoons. Kunot-noo, ang bumabalik-sa-upuan na matandang-snowbird na nakaupo sa upuang pang-pasilyo na katabi nila ay hindi maganahan ng husto sa kanyang pag-inom ng whiskey ng eroplano (dalawang Templeton Rye, walang halo).

Magkahawak-kamay ang mga magulang sa direktong likod na hanay. Sa isip ko, agad ko silang hinusgahan. Pambihira naman, bakit hindi umupo ang ina sa harap kasama ng kanyang mga anak? Dagdag kong panaklong at kaagad napahiya sa sarili ko, “Tulad ng isang tunay na ina.”

Sa kalagitnaan ng bidyong pangkaligtasan bago-lumipad, nakarinig ako ng isang masayang ingit at nakita ko ang arko ng isang plastik na bagay na lumipad sa himpapawid. Ang hubog-pakpak na de-aspileng laruan ay lumapag sa kandungan ng isang balbas-saradong mama na may makapal na patilyang nagniniting gamit ang bilugang mga karayom. Inayos niya ang kanyang de-kuwatrong upo at isinauli ang naturang laruan sa mga may-ari nito. Bilang sagot, inilapit ng ina ang kanyang mukha sa batang lalaki at malambing na bumulong ng salita ng babalang may kasamang halik sa itaas ng kanyang makintab na mala-mangkok na gupit.

Nagmuni-muni ako tungkol sa kanilang kinabukasan at kung paano sila magsisilaki. Sila rin kaya ay magiging Nag-iisang mga Batang palalakihin sa kanilang lugar sa suburbia ng bahaging Midwest? Tatalikuran kaya nila ang arroz caldo at sinigang kapalit ng mga Pop Tart at Chef Boyardee upang maiwasang laitin sa kantina ng paaralan? Kukulubin kaya nila ang kanilang paligid na Wonder Bread at maging isa doon sa mga uring iyon na batang ampon? Yaong mga batang gigising at ipagsisigawan sa buong daigdig ng kanilang mga kulay-kapeng mukha na, “Minsan ay nakakalimutan kong ako’y hindi puti hanggang sa tumingin ako sa salamin sa umaga.”

Mamanahin kaya nila sa kanilang mga magulang ang kanilang ipinalagay na mga kaugaliang panturismong neo-colonial, nangangatawan sa pribilehiyo ng walang-sagabal at walang kuskos-balungos na paglalakbay bilang bunga hindi ng kanilang mga kontribusyon kundi sa pamamagitan lamang ng simpleng kulay ng kanilang mga pasaporte?

Habang naglalakbay na naka-backpack sa Timog-Silangang Asia taglay ang preskong pagtingin at lumang diwa sa isang taon ng puwang, sabay kaya nilang mararanasan kapwa ang pagdidiskubre at pagbabalikbayan sabay-iwas sa abo ng bulkan papanhik sa Bundok Bulusan? Pagkakaabalahan kaya nilang pansinin ang bilang ng kumokonting mga magsasakang Ifugao na nananatiling nakaangkla sa lupa habang itinatala ang kanilang mga pakikipagsapalaran gamit ang isang GoPro samantalang tinatahak ang lawak ng Hagdan-hagdang Palayan ng Banaue?

Walang katapusan ang aking mga katanungan. Subalit sa aking pag-atras sa malawak na anggulong-lente ng aking isip na matuling tumatakbo, dahan-dahan kong hinatak-pabalik ang maraming sinulid ng pinya na aking tinirintas sa isang tela ng pinangarap na kinabukasan para sa mga batang musmos na ito na ni hindi ko man lamang nakilala.

Panakaw akong tumingin ng panghuling beses. Ang mga bata ay tumatawa habang ang kanilang mga magulang ay magiliw na nagpapasa ng mga piraso ng mansanas sa pagitan ng puwang ng mga upuang 7B at 7C. Sa sandaling ito wala akong ibang nakita kundi ang isang pamilyang mapagmahal, at ito ay tunay na napakaganda.

 

Melissa Palma is an Iowa-raised daughter of Filipino immigrants. She was privileged to grow up in a multi-generational household with her grandparents, parents, and little sister in Waterloo, Iowa.